I am a simple man with extraordinary thoughts driven by excessively ambitious personality.
My Hangout
Ala una na at hindi pa ako makatulog. Marahil, dala ito ng paggising ko ng tanghali kanina. Mga alas-onse, halos tanghaling-tapat na. May pasok ako mamayang alas-syete pero kailangan kong gumising ng 4:30 dahil wala si ate Rose - ang aming katulong sa bahay na kung umaga at ako'y papasok ay magluluto ng agahan.
Dahil panigurado ay di na rin ako makakatulog, iki-kwento ko na lang ang aking pagkatao. Na isang araw na lang ay madadagdagan na naman ang gulang ngunit patuloy pa rin sa pagpapaplano ng kanyang kinabukasan at pagsasakatuparan ng mga nais makamtan sa buhay.
Di ko alam kung mainit, makulimlim, o maulan ba noong ako ay pinanganak. Pero alam ko kung saan at kailan. Ito ay walang halong biro at kasinungalingan. Pinanganak ako dun sa amin. Hindi sa ospital. Doon ako iniluwal ng aking nanay sa papag ng aking tita sa may dulong kwarto na katabi ng banyo sa tulong ng isang rehistradong kumadrona. Matapos ang labing anim na taon, tatlong-daan at limampu't apat na araw na ngayon ay buhay pa din yung papag na yun. Pag umuuwi ako sa amin, doon ako kadalasang natutulog dahil sa kwarto ko yun nakalagay.
Hindi talaga mayaman ang aking pamilya. Wala kaming mga mamahaling ari-arian na magpapahiwatig ng mataas na estado ng aming buhay. Yung nanay ko, taga-walis siya sa isang manukan samantalang dalawang taon na mula nang pumanaw ang aking pinakamamahal na tatay. Sa aking pagkakaalala, bata pa ay namulat na ako sa maayos na buhay kahit na may kahirapan din ng kaunti. Noong bata kase ako kasama ang aking kuya, hindi naman kami yung tipong hindi nakaka-kain ng tatlong beses sa isang araw. Nagtatrabaho kase yung tatay ko dati nung bata pa kami bilang isang karpintero sa iba't ibang lugar. Linggu-linggo, umuuwi siya para magbigay ng pera panggastos sa nanay ko, at may pasalubong sya lagi sa amin na laruan galing sa McDo. Mura pa kasi noon yung mga ganun.
Naaalala ko, noong apat na taon ako, naglalako kami ni kuya Alvin ng banana cue sa mga kapitbahay namin. Niluluto yun ni mama pag mga tanghali na tapos ibebenta naman namin ni kuya. Mura lang. Limang piso ata sa isang tuhog. Hanggang sa nagsimula na akong mag-aral. Kinder. Noong unang araw ng pagpasok ko, hinding-hindi ko talaga malilimutan. Hinatid ako ni tatay. Ayoko magpaiwan. Pinapasok na kami sa silid kasama ang aking guro na kalaunan ay nakilala ko bilang si Ma'am Nene. Dahil nga unang araw pa lang, ayoko talaga magpaiwan. Ayaw na ayaw ko. Kaya noong natanaw ko sa bintana na unti-unting umaalis na yung tatay ko, sumigaw ako. Malakas na sigaw habang umiiyak. Nagulat ang aking guro. Wala na syang nagawa. Tinawag nya uli yung tatay ko para lumapit sa may bintana. Sa kabila ng mga iyon, ako ang 3rd Honors sa klase namin. Ganun pa man, di ko iyon naiintindihan noong ako ay bata pa. Wala akong malay kung ano yung sinabit sa akin na parang kwintas at may isang pirasong mala-barya.
Nag-elementarya ako sa isang pampublikong paaralan. Magulo ang mga bata. Maingay. Amoy lapis. Puro manila paper. May pamalong stick si teacher, at nagbubunot kaming magkakaklase para mapakintab ang sahig. Noong Grade I ako, sabi ng teacher ko sa klase namin dapat daw ay makintab at madulas lagi ang sahig para madulas ang supervisor pag pumunta sa aming room at wag na syang umulit pang dumalaw. Naging masaya din ang aking buhay sa pampublikong elementaryang paaralan. Noong grade I ako, sampung piso ang aking baon. Hanggang nang nag-Grade VI ako ay naging bente na.
Sa anim na taon na aking pagtigil sa MCES, punong-puno Ang mga alaala na hanggang ngayon ay di mawala sa aking kokote. Mga tradisyonal na mga gawain katulad ng PE, pagkopya ng lecture sa libro kapag nagluluto sa kantina ang aming guro, pagsama sa mga camping, quizbees, paglalaro ng atsuy (sipa), pagsusumpitan ng sago, pag-iingay sa klase, paglalakad ng malayo kapag uwian na, pakikipaghabulan, syempre pag-aaral, at marami pang iba, Masayang bahagi ng buhay ko ang elementary. Napakasaya.
Nagtapos ako ng elementarya bilang nangungunang mag-aaral ng aming batch. Hanggang ngayon, katagu-tago ko pa lahat ng mga medalya at sertipiko ng pagkilala na aking natanggap sa anim na taon ng buhay ko na iyon. Grade I - 1st honors, Grade II-Second Honors, Grade III-Second Honors, Grade IV-Second Honors, Grade V-FIrst Honors, at Grade VI bilang Valedictorian. Lahat iyon ay para sa aking mga magulang at sa lahat ng taong tumulong sa akin na makapag-aral.
Tumungtong ako ng High School. Napakaraming pasikut-sikot lalo ang aking naranasan sa high school. Kung sa elementarya ay halos lamang ang "pagsasaya", sa highschool, may kaunting seryosohan na. Kailangan talagang mag-aral pag may test, at maging masipag kung may ipinapagawa. May kahirapan ang aking unang taon sa sekundarya. Mga bagong mukha ng aking kaklase na pawang mga nangungunang estudyante din sa aming lungsod. Magagaling sila. Masisipag. Maayos ang itsura at kumpara sa mga kasama ko noong elementary ay medyo nag-level-up na talaga. Sa unang taon, hindi ako ang nangunang estudyante. Pangalawa lang ako. Ang nanguna ay ang kaklase kong naging pangalawa sa pinakamahusay na mag-aaral noong ako ay nagtapos sa elementarya. Okay lang naman sa akin. Ganon talaga. Hanggang sa aking pagyapak ng ikalawang taon, ako naman ang nanguna. Ikatlong taon, ako muli. At sa aming pagtatapos ay ako ang bumigkas ng Valedictory Speech sa harap ng kulang-kulang limandaan kong kapwa magsisipagtapos, kasama ang kani-kaniyang magulang, mga guro na nagsisipag-iyakan kasabay ng akin ding hikbi, at mga opisyal ng aming lungsod kasama na din ang aming panauhing tagapagsalita.
Pabiblisin ko na ng kaunti ang kwento. Ngayon, sa edad kong ito, ako ay nasa kolehiyo. Sa kabila ng pagiging mahirap ng pinanggalingan kong pamilya, wala man kaming pera, wala man kaming kotse, sa kabila ng pagkamatay ng aking tatay, ako ay isang estudyante ng Agham Pampulitika sa UniBersidad ng Santo Tomas sa Maynila. Sa kawalan ng pambayad sa aking tutuluyan, salamat sa mga malayong kamag-anak na nagbukas ng kanilang pinto upang ako ay patuluyin sa kanilang tahanan at isama sa pang-araw-araw na pagluluto ng agahan, tanghalian, at hapunan; isama sa kung saan-saang lakaran, at marami pang iba.
Hindi man ako mayaman, wala man kaming ari-arian, nagpapasalamat ako sa natatamo ko ngayon. Masasabi kong kahit papaano ay hindi ako todo-todong nagugutom at naghihirap. Kung mayroon man ay katiting at pilit na nalulusutan. Salamat din sa aking mga kaibigan na nagpapagaan ng mga oras ng aking kahirapan, mga taong nakakatulong na mapalawak ang aking pag-unawa at buksan ang aking kamalayan sa mga bagay na hindi ko pa nararanasan sa aking nakalipas na pamumuhay. Isalo man ako sa mga taong may gintong kutsara na sa kanilang mga bibig sa kanilang pagsilang, hindi naman ako nagmumukhang isang basahan at kahit papaano'y nakapamumuhay ng hindi ilang sa kagaya nila.
Napakasarap mabuhay sa tulong ng mga taong nagiging inspirasyon sa pagtupad sa aking mga pangarap. Hindi man ako isinilang na mayaman, sabi ko sa sarili ko, ako ay hindi maaabo ng tila nabuhay sa kawalan. Panigurado ay walang sinuman na nangarap maging mahirap o kaya nama'y nananalangin na hindi na makausad sa kanyang nakaraan. Maraming salamat sa lahat na patuloy na nakakaintindi at tumutulong sa aking pakikibaka para sa kinabukasan. Ang lahat ng ito ay plano para sa susunod na mga araw, buwan, taon... Ang lahat ng ito ay ipinagpapasalamat at patuloy kong pagkakaingatan dahil at para sa aking mga kaibigan, kapatid, mga minamahal sa buhay, magulang, at lalo't higit sa lahat ay sa Diyos. :)
Masarap mabuhay. Sa kabila ng maraming problema, heto pa rin tayo. Humihinga at makakapag-mulat pa sa umaga. Ilan lamang iyan sa napakaraming regalo na ating natatanggap na dapat na ipagpasalamat at huwag sayangin. Masarap mabuhay kasama ang ating mga minamahal. :)
Mag-iwan naman po kayo ng ilang mga munting suhestyon sa isang katulad kong baguhan sa mundo ng blog at sa posterous spaces. Salamat!
Isa po akong Tomasino. Hi sa aking mga ka-dilaw. :)
Ang tagal ko ding pinlano na magkaroon ng isang blog. Yun nga lang, masyadong kulang sa initiative at very busy din pero di naman masyado. Ilang gabi na rin akong nahihirapan matulog at napupuyat at natutulog ako ng napakalalim na ng gabi. Ganon pa man, kung may oras pa ako tuwing gabi bago matulog, sana maupdate ko lagi ito. :)